9,500 pulis ikakalat sa MM sa Semana Santa

MANILA, Philippines - Upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente mula sa 1,700 barangay sa Metro Manila, magdedeploy ang National Capital Region Police Office ng 9,500 pulis sa nalalapit na Semana Santa umpisa sa Lunes Santo.

Ito ang inihayag kahapon ni NCRPO Chief P/Director Leonardo Espina kasabay ng pagsasailalim sa ‘heightened alert  status’ sa buong puwersa ng kapulisan sa Metro Manila.

Partikular namang mahigpit na babantayan ay ang exodus ng mga tao sa mga pangunahing bus terminals sa Metro Manila kabilang na ang Cubao, Quezon City, Pasay City  at Liwasang Bonifacio (Lawton) sa Maynila.

Gayundin ang mga dau­ngan at bisinidad ng paliparan kung saan  dadagsa ang mga tao para magtungo sa mga probinsya.

Maglalagay din ang NCRPO ng mga police assistance desk sa mga pampublikong terminal sa Metro Manila.

Samantala, magsasagawa rin si Espina ng pag-iinspeksyon sa mga bus terminal, daungan at iba pang mga matataong lugar na dinarayo sa tuwing sa­sapit ang Semana Santa.

Bukod dito ay bantay-sarado rin ang mga simbahan sa Metro Manila na inaasahang daragsain ng  mga deboto kaugnay ng Bisita-Iglesia.

Magroronda rin ang mga pulis at palalakasin ang police visibility na magrerel­yebo sa loob ng 24-oras upang tiyakin ang seguridad ng mamamayan sa nasa­bing panahon ng pagtitika.

Nagbigay paalala rin si Espina sa taumbayan sa mga maiiwang kabahayan na isaradong mabuti at ipagbilin sa mga kapitbahay para makaiwas na mabiktima ng Akyat-Bahay Gang, tiyaking nakasarado ang mga gas stove at anumang bagay na umiinit upang makaiwas sa sunog at iba pa.

Sakaling may problema naman sa mga barangay, ayon pa kay Espina ay maa­ring tumawag sa emergency number 117 upang mabilis na makapagresponde ang pulisya.

 

Show comments