Inayawan ng misis, pedicab driver nagbigti

MANILA, Philippines - Makaraang tanggihan ng kanyang misis na makipagbalikan, nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ang  isang 24-anyos na pedicab driver, sa Intramuros, Maynila, kahapon ng tanghali.

Nakabitin at walang buhay nang  madiskubre  dakong alas-11:30 ng tanghali kahapon ang biktimang si Joel Ignacio, 24, ng Anda St., Intramuros, Maynila sa abandonang palikuran sa loob ng compound ng Asian Garden, sa Intramuros, Maynila.

Nabatid na huling nakitang buhay si Ignacio, kamakalawa ng gabi, habang kasama nito ang kapwa niya pedicab driver na umiinom sa pilahan ng sidecar  malapit sa Asian Garden sa nasabing lugar.

Nabatid na may anak na isa sa kinakasama o misis ang biktima subalit dahil sa kahirapan sa pera ay nakipaghiwalay ang huli at ayaw na umanong makipagbalikan sa biktima bagay na dinamdam ng huli kaya ito nagpakamatay.

 

Show comments