Chinese timbog sa P5-M shabu

MANILA, Philippines - Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) matapos maaresto ang isang Chinese big time drug trafficker na nasamsaman ng limang milyong halaga ng shabu sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Maynila nito kahapon.

Kinilala ni Chief Inspector Roque Merdegia, Chief ng Legal and Investigation Unit ng PNP-AIDSOTF ang nasakoteng suspect na si Yu Ming Li,  39. Bandang alas-2 ng hapon ng masakote ng mga operatiba ng PNP-AIDSOTF ang suspect  malapit sa bisinidad ng Luneta Park, Maynila.

Bago ito, ayon sa opisyal ay nakatanggap sila ng tip hinggil sa ilegal na aktibidades ng suspect na limang araw na nilang trinatrabaho dahilan noong una ay nais na ‘bank to bank’ ang maging transaksyon.

Ang suspect ay siyang hinihinalang nasa likod ng ma­lawakang bentahan ng droga sa naturang lungsod.

Naaktuhan naman ang suspect na nagbebenta ng  shabu sa Maria Orosa sa panulukan ng Kalaw St. sa Maynila na tinangka pang tumakas ng makahalata sa operasyon pero nahabol ng mga awtoridad at nakorner sa Roxas Boulevard sa tapat ng Rizal Monument.

Nakuha sa sasakyan nito na isang kulay asul na Honda Civic (UKO 832) ang 1 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P 5 M.  Nabatid na ang suspect ay gumagamit ng mga alyas na Mr. Lee at matagal ng naninirahan sa Caloocan City kung saan nagsasagawa na ng beripikasyon kung may mga dokumento ito upang manatili sa bansa.

 Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa naarestong suspect.

 

Show comments