‘No late payment policy’ ng UP-Manila, inalis na

MANILA, Philippines - Matapos ang sunud-sunod na protesta at tinanggap  na batikos kaugnay sa pagpapakamatay ni Kristel Tejada  tuluyan nang inalis kahapon ng pamunuan ng UP Manila ang ipinatutupad nilang’no late payment policy’.

Ito ang inilabas na desisyon ni UP Manila Chancellor Manuel Agulto kahapon kasabay nang muling pagpapahayag ng pakikiramay sa pamilya Tejada.

Kahapon din pinasok ng mga estudyante ng University of the Philippines ang  Philippine General Hospital sa ikalawang araw ng kanilang black protest.

Una rito, nag-walk out ang mga estudyante ng College of Arts and Sciences sa kanilang mga klase at nagtipon-tipon dakong alas- 12:00 ng tanghali bago tumuloy sa PGH.

Nabigo ang mga guwardya ng PGH na maharang ang mga estudyanteng naka-itim at pumuslit hanggang ground floor.

Tinarget ng grupo na mapasok ang tanggapan ng UP Manila administration na nasa PGH upang ituloy ang itinakdang dayalogo sa mga estudyante.

Una nang kinansela ng pamunuan ang dayalogo, dahil walong estudyante lamang ang gusto nilang makausap kaugnay ng aberya sa tuition fee na nagtulak umano kay Tejada na magpakamatay.

Nagkaroon pa ng tulakan sa pagitan ng mga estudyante at guwardya, at napigil lang ng huli ang mga raliyista pagsapit sa Office of the Director.

Una rito, may mga estud­yante na ring sumugod sa UP Manila at isinulat sa pader ang “Pascual resign now!” at “Katarungan kay Kristel Tejada”.

Samantala, iginiit naman ng  faculty department ng Be­havioral Sciences  ang pagbibitiw ng chancellor at vice-chancellor ng nasabing  UP Manila kaugnay sa pagpapakamatay ni Tejada.

Bagama’t hindi  solusyon ang pagbibitiw nina UP-Manila Chancellor Manuel Agulto at Vice Chancellor Dr. Marie Josephine De Luna na siya umanong nagpalabas ng memo sa Socialized Tuition Fee and Financial Assistance Program (STFAP) ng unibersidad nais  ni Dr. Nemia Simbulan ng faculty department of Behavioral Sciences na  magkaroon ng pagbabago sa sistema nito.

Batay anila sa ipinalabas na memo ng unibersidad sa dean at university registrar,  ang sinumang estudyante na hindi makapagbayad ng tuition  hanggang Agosto 12 ng school year ay hindi ikokonsiderang enrolled.

Ayon kay Simbulan  ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na nagpalabas ng ganitong memorandum  ang   UP-   Manila.

Paliwanag ni  Simbulan, taliwas ito  sa nakaraang  pamunuan kung saan maluwag ang mga ito sa mga estudyanteng hindi umaabot ng deadline. Binanggit naman ni Simbulan na hindi tumatanggap ng installment na bayad sa UP-Manila.

Sa katunayan umano, hiniling na ni  Simbulan na magkaroon ng installment scheme sa pagbabayad ng  matrikula  tulad ng ibang pribadong  kolehiyo subalit hindi naman pinag-aralan ng  UP.

Show comments