1-buwang sanggol itinapon sa urinal

MANILA, Philippines - Isang buwang babaeng sanggol na itinapon sa isang urinal sa lungsod Quezon ang nasagip ng mga awtoridad  habang nagpapalahaw ng iyak, kahapon ng madaling- araw.

Ang sanggol na tinawag na Jacque ay naninilaw na ang mga balat nang ma­tagpuan, ayon kay Jerson Malaluan, executive officer ng Brgy. Bagumbayan.

Ayon kay Malaluan, si Baby Jacque ay natagpuan sa loob ng isang male urinal sa Industria St., Brgy. Bagong Bayan sa lungsod, ganap na alas- 4 ng madaling-araw.

Sinasabing nagpapatrulya ang tropa ng Quezon City Police Station 12 sa nasabing lugar nang makarinig sila ng iyak ng sanggol. 

Agad namang hinanap ng mga awtoridad ang pinagmulan ng iyak, hanggang sa dalhin sila nito sa urinal kung saan tumambad ang na­sabing isang paper bag na may tatak na Rusty Lopez.

Mula rito, ay agad na binulatlat ng awtoridad ang paper bag hanggang sa makita nila ang nasabing sanggol na may suot pa ng damit.

“Actually kumpleto pa sa damit ang bata, may lampin, may medyas at guwantes, saka cute, kaya nakakapanghinayang na itapon, pero nagawa ng walang puso niyang magulang,” sabi pa ni Malaluan.

Nang makita ng mga awtoridad ay agad itong itinurn-over kay barangay captain Dr. Elmer Maturan, saka binigyan ng gatas para lalong lumakas.

Matapos nito, ayon pa kay Malaluan, agad na binihisan ng mga barangay officials ang sanggol saka pinabendis­yunan kay Fr. Louie Caupayan ng San Roque Parish Church kung saan pinangalanan ang sanggol na Jacque.

Sa kasalukuyan, ang sanggol ay nasa panga­ngalaga ng Quirino Memorial Medical Center upang matignan ang kalagayang pangkalusugan nito dala na rin ng paninilaw ng balat nito.

Show comments