MANILA, Philippines - Dahilan sa pagpapabaya sa tungkulin na nagbunsod sa pagkakadismis ng mga kasong may kinalaman sa illegal na droga, ipinasisibak na ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) ang 35 pulis.
Ayon kay PNP-AIDSOTF Chief P/Sr. Supt. Napoleon Taas inirekomenda niya na sibakin na sa puwesto ang 35 pulis at kasuhan ang mga ito.
Kabilang sa mga ipiÂnaÂsisibak ay 25 pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO), lima sa Police Regional Office (PRO) IV, dalawa sa Police Regional Office (PRO) 7, dalawa sa Police Regional Office (PRO) 6 at isa naman mula sa Police Regional Office (PRO) 9.
Ang rekomendasyon ni Taas ay batay na rin sa liham na ipinadala sa kaniya ni PDEA Director General Arturo Cacdac Jr. na nadismaya sa mga nabalewalang kaso dahil sa kapabayaan ng mga pulis.
Sa tala, mula Hulyo hanggang Disyembre noong 2012, ay umaabot sa 49 kaso na may kinalaman sa illegal na droga kung saan ilang drug lord ang sangkot ay nadismis sa korte dahilan sa kapabayaan ng mga nabanggit na pulis na nagsisilbing testigo sa mga kaso.
Nabatid na ilan sa mga dahilan sa pagkakaÂdismis ng kaso ay ang hindi pagdalo ng mga pulis sa paglilitis kung saan nabalewala ang paglilitis dahilan sa isyu ng teknikalidad.
Ang nasabing 35 pulis ay mahaharap sa kasong serious neglect of duty bunga ng insidente.