MANILA, Philippines - Ang masangsang na amoy ang naging daan upang madiskubre ang bangkay ng isang seaman sa loob ng inuupahan nitong apartelle kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.
Hinihinalang may ilang araw nang patay si Nestor Gentoral, 55, tubong Nueva Valencia Guimaras at pansamantalang nanunuluyan sa Room 48 Marbella Apartelle sa Mabini St., Malate, Manila .
Sa report ni Manila Police District (MPD)-HomiÂcide section, dakong alas-8:00 ng gabi nang nadiskubreng patay ang biktima sa loob ng kanyang tinutuluyang kuwarto sa Room 48.
Nauna rito, ipinaalam sa front desk ng kalapit kuwarto ng biktima ang masangsang na amoy na nagmumula sa kuwarto ni Gentoral kung kaya’t tumawag sa kuwarto nito ang roomboy na si Ernel Vicente.
Pinuntahan ni Vicente ang kuwarto ng biktima at nang walang sumasagot ay puwersahang binuksan ito gamit ang duplicate key kung saan tumambad sa kanya ang biktima na nakasuot ng kulay gray na t-shirt, naka-tuwalya lamang sa ibabang bahagi nito at wala nang buhay.
Wala namang nakitang anumang sugat o paÂlaÂtandaan na sinaktan ito kaya hinihinalang walang naganap na foul play sa pagkamatay nito.