MANILA, Philippines - Bulagta ang tatlong pinaniniwalaang mga holdaper makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga operatiba, ilang seÂgundo matapos holdapin ang isang hardware store sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Ayon kay Quezon City Police District director Senior Supt. Richard Albano, kasalukuyan pang inaÂalam ang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspect.
Tanging nakuha sa mga suspect ang perang tinaÂngay nila sa hinoldap na hardware store na nagkaÂkahalaga ng P30,000, daÂlawang kalibre 38 baril at mga cellphone ng mga kawani sa establisimento.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue Extension malapit sa Regalado Avenue Brgy. North Fairview ganap na ala-1 ng hapon.
Sabi ni Albano, agad na nasukol ng kanilang mga operatiba ang mga suspect bunsod ng ipinakalat nilang police marshal at detectives na nakakita sa kanila habang hinoholdap ang Cemento Pilipinas Inc., na pag-aari ng isang James Illescas.
Sa pagsisiyasat, bago ang insidente, nagpunta ang mga suspect sa naturang hardware at nagkunwaring mga kostumer.
Ilang sandali pa ay biglang naglabas ng baril ang mga suspect saka nagdeklara ng holdap. Dito ay tinutukan ng baril ang cashier na si Joan de Vera saka kinuha ang kita ng tindahan. Maging ang cellphone ng mga kawani ay hindi rin pinatawad ng mga suspect bago tuluyang tumakas.
Sa puntong ito, dahil nakita ng mga operatiba ang komosyon, agad naitawag ito sa kasamahan na mabilis na nagsipagresponde at maabutan ang mga suspect.
Nang akmang lalapitan ng mga operatiba ang mga suspect ay pinaputukan sila ng mga ito dahilan upang gumanti ng putok ang mga una at mauwi sa engkwentro.