Technician patay, sanggol sugatan sa pamamaril ng riding in trio

MANILA, Philippines - Utas ang isang 54-anyos na lalaki, habang sugatan naman ang isang buwang gulang na beybi, matapos na pagbabarilin ng dalawa sa tatlong armadong suspect sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Conrado Ongjoco, aircondition at refrigeration technician, matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang ka­tawan.

Ang sugatang sanggol ay nakilalang si Michaela Sal­vatiera, residente ng Bato-Bato St., Brgy. Commonwealth ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang balikat.

Ayon kay SPO1 Randy Bantillo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, tatlong kalalakihan, dalawa sa kanila ay armado ng baril ang nakitang namaril sa mga biktima bago tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Riverside St., malapit sa panulukan ng Sto Domingo St., Brgy. Commonwealth, ganap na alas-8:10 ng gabi.

Base sa salaysay ng mga testigong sina Jerry Notarte at Marcelino Narciso, nagkukuwentuhan sila ng biktima sa nasabing lugar nang biglang huminto ang isang motorsiklo sakay ang tatlong kalalakihan malapit sa kanila.

Mula rito ay biglang bumaba ng motorsiklo ang dalawa sa mga suspect saka sumigaw ng “wag kayong makialam” sabay bunot ng kanilang mga baril at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Matapos ang pamamaril ay naglakad papalayo ang mga suspect patungo sa dala nilang motorsiklo saka tu­makas patungo sa direksyon ng Bato-Bato St.

Pagsapit ng mga suspect sa Bato-Bato St., ay nada­anan ng mga ito si Manolito Salvatiera habang karga ang anak na si Michaela. At sa hindi inaasahan ay biglang nagpaputok ang mga suspect sa direksyon ng mag-ama, sanhi para tamaan sa balikat ang nasabing sanggol.

Sabi ni Bantillo, sa kasalu­kuyan wala pa silang naki­kitang motibo ng pamamaslang sa biktima, dahil ayaw umanong makipag-cooperate ng pamilya nito.

Narekober sa lugar ang tatlong basyo ng kalibre .45 baril, tatlong basyo ng kalibre 9mm, dalawang deformed slugs ng kalibre 45 at isang slug ng kalibre .9mm na ginamit ng mga suspect sa krimen.

 

Show comments