Karambola ng 5 sasakyan: 1 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang nasugatan sa karambola ng limang sasakyan sa kahabaan ng Katipunan Avenue, lungsod Quezon kahapon.

Ayon kay Sr. Insp. Erlito Re­negin, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, nasa kustodiya na nila ang isa sa sasakyang pi­nag­mulan ng nasabing karambola na si Dr. Carlo Sabas Sioson, isang anesthesiologist.

Sabi ni Renegin, si Sioson ay posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injury at multiple damage to properties.

Sinasabing minamaneho ni Sioson ang isang Toyota Altis (ZPC-170) at sumalpok sa tatlong sasakyan sa may bisinidad ng P. Castro St. at dalawa sa Katipunan Avenue sa Brgy. Marilag, ganap na alas-7 ng umaga.

Dagdag ni Renegin, isang pasahero ng Honda Jazz na binangga ni Sioson ang nasugatan sa insidente. Hindi pa tukoy ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng sugatan na agad na sinugod sa ospital.

Nabatid kay Sioson na tinatahak niya ang kahabaan ng P. Castro St. at papakaliwa sana siya sa Katipunan Avenue nang isang sasakyan ang nakaharang.

Dahil dito nagdesisyon si Sioson na pumaling para makakuha ng espasyo at makaikot pakaliwa. Subalit, nawalan na ng kontrol si Sioson at bumangga ito sa isang tricycle at isa pang sasakyan sa kanyang likuran.

Nang kumambyo si Sioson, bigla umanong humarurot ang kanyang sasakyan patungo sa tatlo pang sasakyan, kabilang ang Honda Jazz.

Samantala, nagkaayos naman ang suspect at mga may-ari ng mga sasakyang nabangga ng doktor sa pa­ngakong babayaran na lang ang mga nasira nilang mga sasakyan.

Show comments