MANILA, Philippines - Kapwa sugatan ang isang negosyante at driver nito nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspect sa Caloocan City kamakalawa ng gabi. Ginagamot sa Chinese General Hospital sanhi ng tama ng bala ang mga biktimang si Jason Ang, 50, may- ari ng Jalby Refinishing Plastic Services sa 6th St., Grace Park ng naturang lungsod at ang driver nitong si Rodel Mirasol, 37. Lumalabas sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng gabi malapit sa bahay ng biktimang si Ang habang inaayos ng negosyante ang kanilang van kasama ang isang nagngangalang Rogelio Capagalan, 43, nang dumating ang mga suspect.
Kaagad na tinutukan ng mga ito ang mag-amo ng kalibre .45 baril, subalit naagapan at natapik ni Ang ang baril, ngunit pumutok ito na naging dahilan upang tamaan ito. Nagawang akapin ni Mirasol ang gunman at nagpambuno ang mga ito, na naging dahilan upang masugatan sa braso ang una. Nang lalapit ang isa pang suspek ay nadamba at naagaw ni Capagalan ang hawak nitong kalibre .38 baril, na naging dahilan upang magsitakas ang mga suspect at naiwan ang isang Rusi Motorcycle na walang plaka.