2 ginilitan, niratrat sa Malabon

MANILA, Philippines - Kapwa utas ang isang care­taker at kasama nito sa trabaho matapos na pagbabarilin at gilitan pa ng limang kalalakihan kabilang ang naka­tatandang kapatid ng una na naganap sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Jerry Verdida, 38, ng Phase 2, Dagat-Dagatan ng naturang lungsod ma­tapos laslasin ang leeg nito at magtamo pa ng mga tama ng bala ng baril habang hindi na umabot pang buhay sa paga­mutan ang kasamahan nito na si Jose Refre III, 46. 

Nadakip naman si Jenny Verdida, 40, nakakatandang ka­patid na lalaki ni Jerry,  habang nakatakas naman  ang apat na kasama nito na inaalam pa ang mga pangalan.  

Naganap ang insidente  dakong alas-8:20 ng gabi  sa loob ng pagawaan ng ice cream na binabantayan ng nasawi nang biglang pumasok ang mga suspect at walang sabi-sabing pagbabarilin ang mga biktima. Nakalabas pa ang nasawi subalit isa sa mga suspect ang lumaslas sa leeg nito na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan habang  isinugod naman sa ospital ang kanyang kasamahan.

Mabilis na tumakas ang mga suspect, subalit sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ay nadakip si Jenny. Hindi pa malinaw sa pulisya kung ano ang motibo sa isina­gawang krimen.

Show comments