Bodyguard ng Vice-mayor, sumemplang sa motorsiklo, patay

MANILA, Philippines - Patay ang isa sa body­guard ng bise-alkalde ng lungsod ng Pasay makaraang sumemplang ang sinasakyan nitong motorsiklo habang bina­bagtas ang EDSA, kama­kalawa ng gabi.

Nalagutan ng hininga sa loob ng San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Romeo Pugay, 46, ng F. Cruz St., Pasay at security detail ni Vice-Mayor Marlon Pesebre.

Sa ulat ng Pasay City Traffic­ Enforcement Unit, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa EDSA malapit sa DLTB Bus Terminal.

Lulan si Pugay ng kanyang motorsiklong (UT-4820) patungo sa Taft Avenue­ nang biglang mawalan ng kontrol at sumemplang.  

Agad na nirespondehan ng Pasay City Rescue Team ang biktima at isinugod sa Pasay City General Hospital.  Personal na dumating din sa pagamutan si Vice-Mayor Pesebre at ipinalipat ang ta­uhan sa San Juan de Dios Hospital upang mabigyan ng mas maayos umanong medikal na atensyon.

Nalagutan ng hininga ang biktima dakong alas-11:56 ng gabi dahil sa mga grabeng pinsalang natamo nito.

Show comments