MANILA, Philippines - Sa unang araw ng kanyang senatorial campaign ay mga tindera at tindero sa Pritil Market sa Tondo Maynila ang unang binisita ni Senate minority leader Alan Cayetano kung saan inilunsad nito ang platapormang nakasentro sa Presyo, Trabaho at Kita (PiTiK).
Naging mainit ang pagsalubong ng mga market vendors kay Cayetano dahil mayroon na umano silang kasangga sa Senado na tutulong at tutugon sa kanilang mga problema lalo sa pagkakasya sa maliit na kinikita.
Tiniyak ng senador sa mga market vendors na ang kanyang programang PiTiK ang siyang solusyon sa kahirapang dinadanas ng mga ito.
Nang tanungin kung bakit sa palengke inilunsad ang kanyang kampanya, sinabi ng senador na sa mga palengke makikita ang tunay na larawan kung sino ang nangangailangang mga Filipino.
Nilinaw naman nito na hindi limitado sa mga palengke ang kanyang plataporma bagkus saklaw nito ang lahat ng sector.