Kidnaper ng beybi, timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki matapos nitong dukutin at tangkang ibenta ang isang sanggol kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Navotas.

Nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong ab­duction at paglabag sa RA 7610 ang suspect na si Jima Alfaro, 37, ng M. Aquino St., Brgy. Niugan,  Malabon City.

Ang dinukot na baby ay nakilalang si Romeo Albanco, isang buwang gulang, nakatira  sa panulukan ng Lapu-Lapu at Maliputo Sts., Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Navotas City Police, naganap ang in­sidente dakong alas-7:00 ng gabi sa loob ng bahay ng pamilya Albanco habang nakahiga ang sanggol sa isang kuna, nang dukutin ng suspect at dalhin sa kanyang bahay sa Ma­labon City.

Dito ay napansin ng mga barangay tanod na sina Belo Catalan at Jimmy Olorazo na may kalong na bata ang suspect, kung kaya’t agad  nila itong inimbestigahan.

Sa interogasyon ng mga tanod, nalaman nila na hindi anak o walang relasyon ang suspect sa sanggol.

Dakong alas-10:00 ng gabi nabawi ang sanggol ng pinagsanib na pwersa ng Navotas City at Malabon City Police sa isang follow-up operation. Agad namang ina­resto ang suspect.

 

Show comments