MANILA, Philippines - Apat pang pulis ang nakasama sa bilang ng mga nasibak sa tungkulin dahil sa mga kasong kriminal at administratibong kinakaharap, ayon kay National Capital Regional Police Office Director Leonardo Espina.
Nakilala ang mga tinanggal sa tungkulin na sina PO3 Jessie Villanueva, ng Eastern Police District (EPD), may kasong pagnanakaw at illegal na pag-aresto; PO2 Joseph Padilla, may kasong murder at attempted murder sa Parañaque City ProseÂcutor’s Office; PO1 FulÂgencio Sideco, illegal discharge of firearms; at PO1 Danilo Buniel ng Manila Police District (MPD) dahil sa pagiging AWOL o absent without official leave.
Apat pang pulis ang na-demote o ibinaba ng ranggo habang walo naman ang sinuspinde. Ayon sa ulat, ang mga ibinaba ng ranggo ay sina SPO3 James Caesar Bautista (NPD), may kasong Obstruction of Justice at Dishonesty; PO2 Ronald Beran (NPD), physical injuries at illegal na pagpapaputok ng baril; PO2 Exequiel Arevalo (QCPD) na hindi dumadalo sa mga pagdinig sa korte at PO2 Jun Bernardo na nag-AWOL.
Pinatawan naman ng suspensiyon ni Espina sina PO1 Wilex Daganta (SPD), PO2 Hubert Pascual (EPD), PO2 Ace Mitchell Adenic (EPD), PO1 Fortunato Sus (QCPD), SPO2 Diosdado Lagajino (QCPD), PO1 Louie Aaron Siscar (NPD), PO1 Franer Gomez (NPD), at PO2 Noli Collado.
Nilinaw naman ng heneral na hindi lamang pagsibak at pagsuspinde ang kanilang ginagawa dahil sa nagbibigay rin sila ng komendasyon at promosyon sa mga pulis na karapat-dapat, naglilingkod ng tapat at nagkakaloob ng wastong serbisyo at proteksiyon sa publiko.
Muli namang hinikayat ni Espina ang publiko na iulat ang anumang maling gawain ng mga pulis-Metro Manila upang tuluyang malinis ang hanay ng pulisya at epektibong makapaglingkod sa taumbayan.