Obrero tumba sa parak

MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi makaraang mabaril ng isang pulis matapos ang umano’y pagtatalo sa lungsod Quezon.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang nasawi na si  Asisdo Pacaul Jr., 32, residente ng Brgy. E. Rodriguez, sa lungsod.

Agad namang sumuko sa CIDU ang suspect na si PO2 Joelon Rafael, 37, nakatalaga sa QCPD, at residente ng Brgy. Botocan, sa lungsod.

Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa Stanford St., corner New York St., Cubao, Barangay E. Rodri­guez, ganap na alas-3:45 kamakalawa ng hapon.

Sinabi ng saksing si Ro­gelio Quirit, naglalakad umano siya sa lugar nang mapuna niya ang komosyon na kinasa­sangkutan ng suspek at ng biktima.

Kasunod nito, sabi pa ni Quirit, nakita na lamang niyang nagsusuntukan ang dalawa.

Dahil malaki at ma­tipuno ang biktima, hindi ito nakaya ng suspect kung kaya tumakbo ang huli sandali, saka muling bumalik na may dalang baril.

Doon ay pinaputukan ng suspect ang biktima sa ka­tawan.

Pero kahit sugatan, nagawa pang makipagpambuno sa baril ang biktima laban sa suspect hanggang sa pumutok ito at tamaan sa ulo ang una.

Itinakbo naman sa Qui­rino Memorial Medical Center (QMMC) ang biktima ngunit idineklarang patay bandang alas-6:30 ng gabi.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ng suspek habang nasa pangangalaga ngayon ng CIDU ng QCPD at patuloy na iniimbestigahan.

 

Show comments