Delivery boy pisak sa bloke ng yelo

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang  sinapit na kamatayan ng isang delivery boy matapos na mabagok ang ulo nang madaganan ng bloke ng yelo sa kanyang trabaho sa isang palengke sa lungsod Que­zon kamakalawa. 

Si Eldingfonso Gaduena, 46, ng Bulacan, ay agad na nasawi ma­tapos ang nasabing aksidente, ayon kay SPO1 Eric Lazo, may-hawak ng kaso.

Ayon kay Lazo, nang­yari ang insidente sa may gilid ng Susano mar­ket na matatagpuan sa Ramirez St., Brgy. Novaliches Proper sa lungsod ganap na alas-10:20 ng gabi.

Sinabi naman ni  Jeston Abe na nagdidikarga sila ng bloke ng yelo ng biktima  nang bigla siyang makarinig  ng malakas na kalabog .

Dito niya nakita ang biktima na duguang nakahandusay sa lapag, habang katabi ang bloke ng yelo.

Tinangka pang isalba ni Abe ang biktima pero bigo pa rin ito kung kaya nagpasya na lamang siyang tumawag ng saklolo mula sa awtoridad.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­rations (SOCO) ang bik­tima ay nagtamo ng ma­tinding pinsala sa ulo na siyang agad na ikinamatay nito dulot ng nasabing aksidente.

Show comments