Estudyante dedo sa rambol

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang estudyante ma­ka­raang masaksak sa isang rambol kahapon ng ma­daling-araw sa Muntinlupa City. Hindi na umabot ng buhay sa Medical Center of Muntinlupa ang biktimang si Joseph  Baldono, 20, residente ng 129 Rizal St., Bgy. Poblacion, Mun­tinlupa sanhi ng isang malalim na tama ng saksak sa dibdib.

Nadakip naman sa ginawang follow-up operation ng pulisya ang mga suspect na sina Arnold Romero, 29, barbero at naninirahan sa Ma­rigold St., Lakeview, Bgy. Poblacion at Christopher Ma­kiling, 34, residente ng 122 Quezon St., Aplaya Poblacion, ng naturang lungsod.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation Division ng Mun­tinlupa police, nag-iinuman ang grupo ng biktima sa Aplaya Extension dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang dumaan sina Romero at Makiling at dumura sa kalsada.

Minasama ito ng mga nag-iinuman kasama si Baldono kaya kinompronta ang dalawang suspect. Nagtatakbo naman ang dalawa nang ma­tunugan na kukuyugin sila hang­gang sa maabutan ang mga ito at magkasuntukan.

May bitbit palang patalim si Romero at inundayan ng saksak ang biktima. Natigil lamang ang suntukan nang duguang bu­magsak na ang biktima at saklolohan ng mga kasamahan upang maisugod sa pagamutan.

 

Show comments