Kotse salpok sa center island: 1 patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang tatlo ang na­sugatan kabilang ang isang 3-buwang gulang na sanggol makaraang rumampa sa cen­ter island ang sinasakyan nilang kotse sa Katipunan flyover sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang nasawi na si Glen Awayan, 37, freelance photographer habang sugatan naman ang kanyang ka-live-in na si Florida Ferrer, at 3-buwang gulang nilang anak na si Kipthiara Jean, pawang residente sa  Green Park Village, Pasig City.

Sugatan din ang nagmamaneho sa kotse na si Richmond Tandoc, 37, freelance photographer ng Valle Verde, Pasig City.

Batay sa impormasyon, nangyari ang aksi­dente bandang alas-12:45 kahapon ng madaling-araw sa south-bound lane ng Footbridge,  Katipunan flyover sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City.

Lumitaw sa pagsisiyasat na sakay ng isang Toyota Corolla Sedan (UTM-659) ang mga biktima na minamaneho ni Tandoc at mabilis na tina­tahak ang nasabing lugar nang bigla na lamang umanong sumalpok ang kotse sa center island at dahil sa lakas ng impact ay tumama ang ulo ni  Glen sa harapan ng kotse na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Nagkataong hindi umano naka-seatbelt ang biktima kaya humampas ang kanyang  mukha  sa harapan ng kotse.

Idineklara ng mga  pulis na self accident  ang nangyaring  insidente at inaalam pa nila ang resulta ng eksaminasyon kung nakainom  si Tandoc.

 

Show comments