Tandem bulagta sa checkpoint

Humandusay malapit sa kanilang sinasak­yang motorsiklo ang dalawang lalaki makaraang makipagpalitan umano ng putok ng baril sa mga tauhan ng pulisya matapos na takasan ng mga una ang itinatag na checkpoint ng mga awtoridad sa may Tondo, Maynila. (Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Dalawa na namang lalaking magka-angkas sa motorsiklo ang bumu­lagta matapos na taka­san ang isang checkpoint ng pulisya sa kanto ng Jose Abad Santos Avenue­ at Bambang St., Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Sa report ni SPO3 Rodelio Lingcong ng MPD Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-12:15 ng madaling-araw.

Batay sa pagsa­sala­rawan ng  pulisya, isa sa mga namatay ay nasa edad 30,  may taas na 5’5’’, katam­taman ang katawan, kayumanggi ang balat, blonde ang maikling buhok, nakapulang t-shirt,  itim na pantalon at puting  tsinelas.

Samatala, ang isa naman ay nasa 30,  5’6’’ ang taas, ma­liit ang katawan, kayumanggi ang balat, kulay-gold ang buhok, nakakulay na lavender t-shirt at itim na tsinelas.

Nabatid na nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ni MPD Station­ 2 commander P/Supt. Ernesto Tendero sa naturang lugar nang dumaan ang kulay­ itim na motorsiklo na Mio na lulan ang dalawang namatay.

Pinahihinto umano ng grupo ni P/Sr.Insp. William Santos sa checkpoint  ang dalawa subalit sa halip umanong tumigil ay tinakasan ang mga awtoridad kaya nagkaroon ng habulan.

Nang marating ng dalawang lalaki ang kanto ng Jose Abad Santos at Bambang ay natumba umano ang kanilang motorsiklo.

Gayunman, sa halip na sumurender sa humahabol na mga pulis ay pinaputukan pa umano ang mga tauhan ng MPD station 2 kaya naobliga umano ang pulisya na gantihan ng putok ang dalawang lalaki.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung  may iligal na grupong kinaaniban ang  dalawang napatay.

Show comments