Poste bumagsak: 3 sugatan,3 sasakyan nawasak

MANILA, Philippines - Tatlo katao ang na­sugatan habang tatlong sasak­yan ang nawasak makaraang bumagsak ang isang poste ng Meralco na nasabitan ng trailer truck sa Malabon City kahapon ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Lungsod ng Malabon sanhi ng mga pinsala sa katawan ang mga biktimang sina Jeson Delero, 19; at Norlito Tabasaw, 34, residente ng 1st St., Brgy. Tañong ng lungsod, habang ang isa pang biktima na inaalam pa ang pangalan ay isinugod sa Tondo Medical Center.

Base sa ulat ng Malabon City Police, dakong alas-8:45 ng umaga naganap ang insidente sa kahabaan ng C-4 ng nabanggit na lungsod habang minamaneho ng isang  Jeofrey Padua, ang isang trailer truck (TTX-625) nang su­mabit ang ibabaw nito sa kawad ng kuryente.

Dahil nahatak ang mga kawad ay bumigay ang poste at nabagsakan at nayupi ang taxi (UVD-431) na minamaneho ni Nonito Gonzales at Toyota Innova (ZNK-704) na minamaneho  naman ni Maria Isabel na pinalad na hindi nasu­gatan.

Nahagip din ang dalang pedicab ni Delero na sakay si Tabasaw habang hindi rin nakaligtas ang isa pang lalaking biktima na naglalakad lang.

Sumuko naman sa mga pulis si Padua na naka­takdang kasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple damage to property at physical injuries.

 

Show comments