MANILA, Philippines - Matapos ang madugong sinapit ng mga biktima ng paputok na ikinamatay din ng isang paslit sa Caloocan City, suportado ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang total ban sa lahat ng uri ng paputok at pyrotechnics sa lungsod.
Nabatid na inatasan ni Lim si secretary to the maÂyor Atty. Rafaelito Garayblas na sumulat sa konseho ng Maynila para sa ordinansa para dito.
Ayon kay Garayblas, naniniwala ang alkalde na dapat na magkaisa ang executive at legislative branch ng city government upang tuluyan nang maipagbawal ang paggamit ng iba’t ibang uri ng paputok.
Bagamat sapat ang umiiral na batas (RA 7183), kailangan pa rin ang mas mahigpit na pagpapatupad nito kung saan dapat na magkaroon ng koordinasyon ang barangay at pulis.
May criminal at admiÂnistrative liability ang mga barangay officials at pulis sakaling may paglabag sa batas na mangyari sa kanilang nasasakupan.
Giit ni Lim, kung naipagdiriwang ng Davao City ang New Year’s Eve ng walang namamatay maaari din itong mangyari sa Maynila kung isasakatuparan ang ordinansa.
Dagdag pa ng alkalde, pinananawagan ng lungsod ang paggamit ng kaldero at torotot tuwing New Year.