MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaking suspek sa pamamaril at pagkamatay ng isang paslit sa Mandaluyong City habang nanonood ng fireworks display sa kasagsagan nang pagsalubong sa Bagong Taon.
Nabatid na Martes ng gabi nang madakip ng mga awtoridad si Emmanuel Janabon na itinuturong siyang nagpaputok ng sumpak noong Lunes ng gabi at siya namang tumama at ikinamatay ng biktimang si Rangelo Nimer, 5, residente ng Block 26, Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Batay sa ulat, bago ang insidente ay nasa labas ng bahay si Nimer at nanonood ng fireworks display.
Nagkataon namang nasa labas din umano ng bahay si Janabon, na residente rin ng naturang lugar, bitbit ang kanyang sumpak, na aksidenteng pumutok at tinamaan ang biktima sa likod.
Labis naman ang pagsisisi ni Janabon sa pangyayari.
Iginiit din nito na aksidente lamang ang pagkakapatay niya sa paslit.
Sa kabila naman nito, desidido pa rin ang mga magulang ng biktima na sampahan ng kaso ang suspek, na kasalukuyan nang nakadetine sa Mandaluyong Police headquarters.
Nabatid na ang bangkay ni Nimer ay dadalhin sa Naic, Cavite kung saan ito nakatakdang ilibing.
Samantala, isang negosyante ang inaresto sa harap mismo ng kanyang bahay sa Quezon City dahil sa pagpapaputok niya ng baril sa kasagsagan ng pagsalubong ng Bagong Taon.
Si Braulo Payos, 44, ay naaktuhang bitbit pa ang kanyang kalibre .45 pistol nang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 4, sinasabing si Payos ay dinakip sa may kahabaan ng Zabarte Road, Novaliches ganap na alas-9 ng gabi.
Ang suspect ay nasa harap ng kanyang bahay nang magpaputok ito ng baril ng isang beses. Dahil dito, naalarma ang mga residente at agad na tumawag ng awtoridad na nakatalaga sa may Barangay Kaligayahan.