Mister todas, misis sugatan sa pananaksak

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang mister habang sugatan ang misis nito makaraang pagsasaksakin ng tatlong lalaki na humarang sa kanilang daraanan sa Valenzuela City kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang nasawi na si Roger Gonzaga, 37, ng T. Samson Street, Llano, Caloocan City habang  ginagamot naman sa Valenzuela General Hospital ang misis nitong si Luz, 27, na nagtamo ng tama ng saksak sa kamay.

Mabilis namang nadakip ng mga rumespondeng pulis ang mga suspect na sina Jeric Cuaresma, 20 ng Bgy. Punturin; Alvin Manuel, 23 at  Jon- Jon Ignacio, 22,  kapwa ng Bgy. Paso De Blas, ng naturang lungsod.  

Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang krimen dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Gen.  Luis St., Brgy. Paso De Blas, ng naturang lungsod.  Nabatid na sakay ng tricycle ang mag-asawa papauwi ng kanilang bahay nang harangin ng tatlong suspect.

Tinangka pang makatakbo ng nasawing si Roger ngunit nakorner ito ng mga suspect at sunud-sunod na pinagsasaksak.  Sumaklolo naman ang misis nito kaya ito tinamaan ng saksak sa kamay.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operations ang magkasanib na puwersa ng Valenzuela Police at mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong suspect. 

Inaalam ngayon ng pulisya ang motibo ng naturang pamamaslang habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder at frustrated murder sa mga suspect.

Show comments