MANILA, Philippines - Isang hindi pa kilalang carnapper ang napatay nang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad, habang itinatakas ang isang motorsiklo, sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ni SPO2 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, ang nasawing suspect na nasa edad 35-40, 5’8’’-5’9’’ ang taas, nakasuot ng kulay pink at white stripes t-shirt at gray na short pants.
Naganap ang insidente dakong alas-5 ng umaga sa Governor Center Drive malapit sa panulukan ng P. Burgos Drive, Ermita, Maynila.
Nabatid na basta na lamang sinakyan at pinaandar ng dalawang suspect ang nakaparadang motorsiklo na napuna ito ng mga naka-istambay na operatiba sa PCP Luneta subalit humarurot ito sa direksiyon ng Taft Avenue.
Nagkataong may isinasagawang surveillance operation ang mga tauhan ni Sr. Insp. Rolando Lorenzo, hepe ng CIty Hall Public Assistance nang makitang papatakas ang dalawang suspect, sakay ng kulay blue na Yamaha Novo Mio kaya pinara ito.
Sa halip na huminto, nagbunot ng baril ang back ride at pinutukan ang mga pulis bagamat tumama lamang sa kanilang service vehicle na may plakang SFY-627 kaya ginantihan sila ng putok.
Nakatakas ang isa pang suspect na nagmamaneho ng motorsiklo habang bulagta naman sa kalye ang di pa kilalang suspect.