MANILA, Philippines - Para mabawasan ang problema sa mga napuputukan sa tuwing magseselebra ng Bagong Taon, hinikayat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng firecraker at pyrotechnic zone sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Officer-in-Charge C/Supt. Ruben F. Bearis, Jr. ginawa nila ito ayon sa direktiba ng DILG na ipatupad ang Republic Act No. 7183 na magre-regulate sa pagbebenta, paggawa, distribusyon at paggamit ng mga paputok sa mga lokal na pamahalaan.
Sabi ni Beariz, ang pagtatalaga ng mga “firecracker and pyrotechnic zones” sa bawat probinsya, munisipalidad, siyudad at barangay ay makakatulong ng malaki para maging ligtas sa disgrasya ang pagsalubong sa Bagong Taon, gayundin para makaiwas sa posibleng mangyaring sunog.
Nauna rito, naalarma ang BFP sa bilang ng mga insidente ng sunog at mga nasugatan sa mga paputok hindi pa man sumasapit ang Bagong Taon.
Giit ni Bearis, bilang parte ng ‘Oplan Paalala’ at ‘Oplan Iwas Paputok ‘ ng BFP, pinaigting ng kagawaran ang pagsisiyasat sa mga establisyemento na gumagawa ng distribusyon at pagbebenta ng pyrotechnics.
Gayundin naman sa mga nagbebenta ng iligal na paputok sa mga lansangan.