Sekyu utas sa rider

MANILA, Philippines - Hindi na pinaabot pa sa pagdiriwang ng Pasko ang isang security guard makaraang pagbabarilin ng isang suspect na nakamotorsiklo habang ang una ay nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ni PO1 Romeo Nino ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang nasawi na si Nestor Berondo, 28, ng Saint Martin St., Brgy. Common­wealth sa lungsod.

Mabilis namang tumakas ang suspect na sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril.

Sa ulat ng pulisya,nangyari ang insidente sa may Leyte Gold St.,Veterans Village, Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-8:30 ng gabi.

Bago ito, masayang nag-iinuman ang bik­tima kasama sina Rey Gonzales at Bener Caranto nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang suspect.

Paglapit sa tatlo ay biglang nagbunot ito ng baril at pinagbabaril ang walang labang biktima, bago tumakas sa hindi mabatid na direksyon.

Nagawa pang maitakbo ng mga kaibigan ang biktima sa Gen. Malvar Hospital pero idineklara rin itong patay dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.

Inaalam pa ng imbestigador ang motibo ng naturang pamamaril.

 

Show comments