MANILA, Philippines - Maaaring maalis sa kani-kanilang puwesto ang mga opisyal ng pulisya na overstaying na o higit sa dalawang taon nang nasa kanilang posisyon bago sumapit ang halalan sa Mayo 2013.
Sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Leonardo Espina na hinihintay na lamang niya ang direktibang ilalabas ng PNP National Headquarters upang agad niyang maipatupad ito.
Ayon sa heneral, nais ng pamunuan ng PNP na mapalitan ang mga opisyal na matagal na sa puwesto na maaaring naging kampante na at upang matanggal din ang persepsyon ng publiko na magagamit ang pulisya ng mga incumbent na mga kandidato para sa kanilang kandidatura.
Sa huling pulong sa kanyang limang District Directors at 38 chiefs of police, inabisuhan ni Espina ang mga ito na maghanda na sa pag-alis sa kanilang puwesto sa oras na maipalabas ang kautusan. Maaaring matanggal na sa puwesto ang mga apektadong opisyal bago mag-umpisa ang campaign period sa Enero 13.
May mga ulat din na pinaplano ni bagong PNP chief, Director General Alan Purisima na magkaroon ng balasahan sa kanyang mga opisyal sa buong bansa bago sumapit ang Enero 8.
Kabilang din na matatanggal sa hanay ng pulisya ang mga opisyal na magreretiro na bago ang eleksyon.