MANILA, Philippines - Hindi na makukuhang mag-celebrate ng Kapaskuhan ang tatlong paslit makaraang masawi sa sunog na naganap sa kanilang tinutuluyang bahay sa Caloocan City noong Sabado.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Ace Khervy Alejandre, 8; Wendy Bagapuno, 6; at kapatid nitong si Granson Bagapuno, 3, pawang residente ng F. Acab, Daang Bakal, Brgy. 17 ng nasabing lungsod.
Si Alberto Alejandre, 32, may-ari ng bahay ng naturang lugar ay nagtamo naman ng mga sugat at paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dinala ito sa hindi nabanggit na ospital.
Batay sa imbestigasyon ni SFO1 Benedicto Tudla, ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Caloocan City, naganap ang insidente dakong alas-9:12 ng gabi sa dalawang palapag na bahay ni Alejandre sa nabanggit na lugar habang natutulog ang mga biktima nang biglang magliyab ang apoy. Hindi na nagawa pang makalabas ng mga bata sa bahay.
Natagpuan pang magkayakap ang magkapatid na Bagapuno.
Ayon pa sa report, tinatayang aabot sa P.2 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo at wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog.
Nabatid sa mga awtoridad, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, dahil sa napabayaang kandila ang dahilan ng pagsiklab ng apoy at hanggang sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.
Wala rin ang mga magulang ng mga bata nang maganap ang sunog.