MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki nang tangkain nitong utusang bumili ng droga at tangayin ang anim na totoy sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Patrick Ko, 38, ng Reyes Compound, Brgy. Marulas, Valenzuela City.
Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-3:00 ng hapon, nilapitan ng suspek ang mga naglalarong biktima na may edad 11 hanggang 15 sa Malonzo St., at naglabas ng P200 at inutusan nito ang mga biktima na bumili ng shabu.
Hindi tinanggap ng mga biktima ang P200 ng suspek na naasar at sinabihan ang mga bata na sumama sa kanya.
Natakot ang mga biktima at nagtakbuhan habang sumisigaw na nakatawag ng pansin sa ama ng isa sa mga ito na naging dahilan upang tumawag ng mga barangay tanod.
Hindi na nakapalag ang suspek nang paikutan ng mga tanod at ilang residente bago dinala sa presinto ang nabanggit na suspek.