MANILA, Philippines - Pitong impormante ang tumanggap ng may kabuuang P3.8 milyon cash bilang gantimpala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagbibigay nila ng impormasyon laban sa mga nagpapakalat ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., upang mapangalagaan ang kanilang buhay laban sa mga sindikato ng droga, kinilala ang mga nasabing impormanteng tumanggap ng reward sa mga codemane na Marlyn, Darla, Hang Ten, Kinchay, Nike, Bruno at Dies.
Ang mga ito anya ang naging susi upang mabuwag ang mga nagtayo ng shabu laboratories, pagkakadakip sa mga itinuturing na high value drug personalities at pagkakakumpiska sa malaking bulto ng shabu, at cocaine.
Nilinaw ni Cacdac na ang Operation “Private Eye” Rewards Committee (OPERC), na siya ang chairman ay kinabibilangan ng mga miyembro ng academe, non-government organizations, law enforcement, religious at business sectors na siyang nag-apruba sa isang resolution na maglaan ng kabuuang P3,844,673.08 monetary rewards sa pitong ‘tiktik’ matapos ang masusing deliberasyon.
Sa mga impormante tanging si alyas “Dies” ang nakatanggap ng malaking gantimpla na aabot sa P1.2 million para sa impormasyon na nagresulta sa pagkakadiskubre at pagkakabuwag sa isang medium scale clandestine laboratory; pagsamsam sa malaking bulto ng halaga ng shabu at iba’t ibang controlled Precursor and essential chemicals (CPECs); at ang pagkakaaresto sa limang drug personalities sa isinagawang pagsalakay sa Paranaque City noong nakaraang August 2012.