MANILA, Philippines - Pinaulanan ng bala ng baril hanggang sa mapatay ng anim na armadong lalaki na nakasuot ng bonnet at helmet ang isang retiradong pulis sa Payatas, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si ret. SPO4 Constancio Pitagan, 62, dating nakatalaga sa Batasan Police Station 6 at naninirahan sa Payatas St., Brgy. Payatas-A, Quezon City sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Base sa report ni P/Supt Ronnie Montejo, hepe ng QCPD-PS-6, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing barangay.
Nauna rito, nabatid na may nagbato umano sa bintana ng bahay ng biktima at nagising ito pati ang pamilya.
Kinutuban umano ang biktima sa sitwasyon at itinago muna ang kanyang pamilya sa isang kuwarto bago siya bumaba ng bahay para alamin ang mga nambato. Subalit pagbaba niya ng bahay ay sinalubong siya ng anim na mga armadong suspek na may suot ng bonnet at helmet.
Sa tagpong ito, pinagbabaril ng mga suspek ng gamit nilang .45 kalibre na baril at M16 rifle ang biktima.
Makaraan ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang nakaabang na motorsiklo patungo sa direksiyon ng Montalban.
Kaugnay nito, agad inatasan ni Supt. Montejo ang follow-up operation para tugisin ang mga hinihinalang hired killers.
Hinala ng pulisya, maaaring atraso ang motibo ng pamamaril ng mga suspek sa biktima gayunman patuloy pa ring iniimbestigahan ang kaso.