MANILA, Philippines - Isa na namang bagitong pulis ang sinibak matapos makabaril na ikinasugat ng isang 11-anyos na batang lalaki habang naglalakad sa Tondo, Maynila noong nakaraang Linggo.
Si PO1 Alan Ruiz ay inireklamo sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section ng biktimang si John Michael Agao, kasama ng kanyang magulang na isa ring pulis na si SPO2 Inocentes Agao noong Disyembre 8.
Matatandaan na naglalakad ang biktima sa kanto ng Perlas at Quirino Sts. nang magpaputok ng ilang beses ang suspect na noo’y lango sa alak.
Napansin na lamang ni Agao na tinamaan siya nang may umaagos na dugo sa kanyang hita at butas na ang kanyang suot na short.
Nagtatakbo pauwi si Agao at nagsumbong sa kanyang mga magulang dahilan upang pormal na maghain ng reklamo sa MPD-GAS.

Narekober sa lugar ang anim na basyo ng bala ng .9mm na baril.
Nahaharap si Ruiz sa mga kasong illegal possesion of fire arms, alarm and scandal at reckless imprudence resulting to serious physical injuries.
Sa ngayon ay hindi pa rin lumulutang ang suspect upang harapin ang alegasyon laban sa kanya kaya naman patuloy itong tinutugis ng kanyang mga kabaro.