MANILA, Philippines - Putol ang paa ng truck driver habang sugatan ang dalawang katao matapos mauwi sa karambola ang pakipag-karerahan sa kalye sa Road 10, Vitas, Tondo, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Manila Traffic Bureau, naputulan ng kaliwang binti ang trailer truck driver na si Ernie “Boy” Go, 27, gayundin nadamay at nasugatan din sina Rocky Limpiado, 46 at Celso Baltimar, 9. Dakong alas-10:55 ng gabi ng maganap ang insidente sa panulukan ng R-10 at Sandico St. Tondo, Maynila.
Nakikipag-karera umano si Go habang minamaneho ang trailer truck (USZ-400) sa isa pang truck na minamaneho ni Isidro Babon sa north bound ng R-10 nang makitang kumabig sa kaliwa ang truck ni Babon (KDJ-960) at nahagip ang gilid ng isang bahay at nahagip pa ang kasalubong na isa pang trailer truck na plakang TXU-351 kaya nadamay din ang isang Fuzo truck ZMG-343, dahil sa biglaang paghinto.
Si Babon ay kinuyog umano ng taumbayan at kasalukuyang nakapiit at inihahanda laban sa kaniya at kay Go ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury at damage to property.