MANILA, Philippines - Isang 12-anyos na nene ang napatay sa saksak ng adik niyang kapitbahay na napatay din naman ng mga tauhan ng Quezon City Police matapos na magtangkang mang-agaw ng baril makaraang maaresto kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang biktima na si Percy delos Santos, grade 6 pupil at nakatira sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City. Ang bata ay idineklarang dead-on-arrival makaraang isugod sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa tinamong mga saksak sa likod.
Nakilala naman ang napatay ding suspect na si Ruel Habal, 21, kapitbahay ng biktima.
Sa report ng QC Police District-Talipapa Station 3 (QCPD-PS3), naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa may Cattleya St., Brgy. Bahay Toro habang ang biktima kasama ang kapatid na lalaki ay naglalakad sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang nagwawalang suspect na lango sa ipinagbabawal na gamot buhat sa kanilang likuran.
Walang sabi-sabing pinagsasaksak ng suspect sa likod ang batang babae saka nagtangkang tumakas pero agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis.
Habang lulan sa mobile car ay tinangka nitong agawin ang baril ng isa sa umarestong pulis dahilan upang ito ay mabaril at mapatay.