MANILA, Philippines - Nakaligtas sa kamatayan ang isang negosyante at tatlo pa niyang kasamahan makaraang tambangan ng isang grupo ng armadong lalaki kabilang ang manliligaw ng anak, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita si Tristan Tracy Ferrer, 30, residente ng Pio del Pilar, Makati City na siyang nagmamaneho ng Nissan Urvan (PLO 562), habang galos lamang ang natamo ni Joel Borja, 42. Isinugod ang dalawa sa San Juan de Dios Hospital ng dalawa pa nilang kasama na sina Bryan Garcia, 32, at Kelvin Barrenechea, 25.
Kinilala naman ng biktimang si Borja ang isa sa mga tumambang sa kanila na si Ciriaco Joseph Garcia III, na masugid na manliligaw umano ng kanyang anak na dalaga.
Sa ulat ng Pasay City police, naganap ang pananambang dakong alas-10:16 ng gabi sa Sta. Escolastica St., malapit sa service road ng Roxas Boulevard. Hinarang ng mga salarin lulan ng isang Toyota Camry ang mga biktima, bumaba ang tatlong lalaki at pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Sa kabila ng tinamong tama sa hita, nagawa namang mai-atras ni Ferrer ang sasakyan hanggang bumangga ito sa isang nakaparadang motorsiklo. Tumakas ang mga suspect patungo ng Buendia matapos ang pamamaril.
Nang isailalim sa pagtatanong, sinabi ni Borja sa mga imbestigador na mahigpit siyang tumututol sa panliligaw ni Garcia sa kanyang anak at walang duda na siya ang target ng mga salarin.
Idinugtong pa ni Borja na bago naganap ang pananambang, ilang ulit na nakakatanggap ng pagbabanta mula kay Garcia ang kanyang asawa habang ilang beses din niyang naispatan ito na sinusundan siya.