MANILA, Philippines - Nahuli ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug den operator kasama ang dalawa pang lalaki sa isinagawang back-to-back entrapment operations sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspect na sina Rommel Rivera, 31; Romulo Lecanda, alias Moloy, 42, kapwa ng Bgy. Pinyahan, Quezon City; at isang Ricky Napoles, alyas Nog-Nog, 32, ng Block 2, Lot 3, Section 15, Phase 2, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon kay Cacdac si Lecanda ay operator ng isang drug den na kasama sa Watch List ng Drug Personalities ng PDEA.
Nag-o-operate sa may NIA road ang nasabing drug den ilang bloke lamang ang layo sa main office ng PDEA sa QC.
Ang mga suspect ay nahuli sa aktong nagbebenta ng shabu sa mga poseur-buyer ng PDEA. Nakuha naman kay Lecanda ang walong plastic sachets ng shabu at assorted drug paraphernalia. Nakapiit ang mga suspect sa PDEA detention cell makaraang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.