MANILA, Philippines - Naaresto na ng pulisya kahapon ang dalawa sa tatlong suspect na nang-hold-up at pumatay sa isang kawani ng bangko sa Valenzuela City na naganap noong Nobyembre 21 ng taong kasalukuyan.
Nakilala ang mga nadakip na sina Angelo Hilario, 16, ng Matimyas St. at John Lawrence Javier, 17, ng Bernardino St., kapwa ng Bgy. Gen. T. de Leon ng nabanggit na lungsod habang hinahanting pa ng pulisya ang isa pang suspect na si James Lopez ng Mercado St., Valenzuela.
Matatandaan na natagpuang patay sa sakal ang biktimang si Cris Dumo, 22, sa Quintin Demetillo St., Bgy. Gen. T. de Leon dakong alas-7 ng umaga.
Nabatid na nawawala ang pera at cellphone ng biktima hanggang sa may lumutang na saksi na nagsuplong laban sa mga suspect, na naging dahilan upang magsagawa ng follow-up operation ang mga pulis.
Dakong ala-1:30 kahapon ng hapon nang madakip si Hilario, samantalang alas-5:00 kamakalawa ng hapon nang madakip si Javier malapit sa kani-kanilang bahay.