MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng isang pamilya ang panibagong bumagsak sa pinaigting na kampanya sa iligal na droga ng Pasay City Police sa isang buy bust operation kung saan nadiskubre ang pagtatanim ng mga suspect ng halamang marijuana sa kanilang bakuran, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Kinilala ni Sr. Supt. Rodolfo Llorca ang mga inarestong sina Ferdie Rodriguez, 45; misis nitong si Rowena, 44; anak na si Ronalyn, 25, at kapatid ni Ferdie na si Albert, 39, obrero, pawang naninirahan sa Rodriguez Villa Isla Compound, Tramo 1, Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay Police, matagal nang isinasailalim sa surveillance operation ang pamilya Rodriguez dahil sa ulat na lantarang pagbebenta ng mga ito ng marijuana.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang pulisya na gumamit ng isang asset dakong alas-6:30 kamakalawa ng gabi sa loob ng compound ng pamilya Rodriguez.
Nang matanggap ang marked money, sinalakay na ng nakaantabay na mga pulis ang loob ng compound at inaresto ang mga suspect. Nakumpiska sa posesyon ni Ferdie ang isang brick ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang kalibre .38 baril.
Sa paghahalughog sa bahay ng suspect, natuklasan din ang 38 plastic sachet na naglalaman ng marijuana at isang halaman na marijuana sa loob ng compound.
Matatandaan na sinabi ni Llorca nang maupo ito bilang hepe ng Pasay Police na tututukan niya ang kampanya laban sa iligal na droga at dadamputin lahat ng kilalang drug personalities na nagkukuta sa lungsod.