MANILA, Philippines - Marami sa mga menor-de-edad na kabataan ang nagiging perwisyo na sa mga mata ng mamamayan.
Tulad ng nangyari sa tatlong motorista na nasugatan matapos na pagbabatuhin ng anim na kabataan habang sakay ng kanilang truck sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon sa report ng Quezon City Police Station 9, nakilala ang mga biktima na sina Gerry Sangga, 32, driver; Jeffrey Gibo, 21, at Rommel Aquilisca, 34.
Dahil sa pangyayari, nagpasyang ireklamo ng mga biktima ang mga kabataang tinatawag na ‘batang hamog’ na ang pinakamatanda ay may edad na 17 habang ang pinakabata ay 14-anyos. Apat sa mga menor-de-edad ay mga babae at dalawa lamang ang lalaki.
Ang anim na nabanggit na kabataan ay itinurn-over na ng pulisya sa pangangalaga ng Department of Social Worker and Development (DSWD).
Sa ulat ni PO3 Maritess Javier ng PS9, ang reklamo ay nag-ugat habang ang mga biktimang sina Sangga at Gipo ay sakay ng isang delivery truck at tinatahak ang Katipunan Avenue, ganap na ala-1:20 ng madaling-araw.
Kasunod ng truck ng dalawa ay delivery truck na sinasakyan naman ni Aquilisca.
Pagsapit sa harap ng Maynilad, Quezon Avenue, Brgy. Pansol, bigla na lamang tumawid ang naturang mga kabataan dahilan para biglang huminto ang dalawang truck.
Mula rito ay biglang pinagbabato ng mga kabataan ang dalawang truck sanhi para mabasag ang windshield nito at tamaan ang mga biktima at masugatan.
Tiyempong nagpapatrulya ang tropa ng PS9 at inaresto ang mga kabataan habang ang mga biktima naman ay isinugod sa Rodriguez Memorial Medical Center para magamot.