MANILA, Philippines - Dahil sa pagtatangkang tumakas, minalas na masawi ang isang lalaki na inaaresto sa bintang na pagnanakaw ng cellphone sa isang residente sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Nakilala ang biktima na si Jojo Soler, 36, may-asawa, walang trabaho ng Block 1, GK Espiritu Santo Village, Sitio Pajo, Baesa sa lungsod.
Itinuring namang suspect ang pulis na si PO1 Johnny Boy L-Bauza, nakatalaga sa District Public Safety Batallion, QCPD Station Camp Karingal, Sikatuna Village, dahil sa insidente.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng GK Espiritu, Santo Village, Brgy. Baesa, ganap na alas-3 ng hapon.
Bago ang insidente, si Erwin Balagtas na biktima umano ng robbery ay humingi ng tulong sa nagpapatrulyang mobile QC-142 kung saan sakay sina Bauza at dalawa pang pulis ng DPSB-QCPD dahil sa tinangay umano ni Soler ang kanyang cellphone.
Ayon kay Ryan Mendoza, nakita umano niya ang grupo ni Bauza at inaresto si Soler. Habang sinasabihan si Soler ng kanyang karapatan, ay biglang nagtatakbo ito sa isang eskinita, sanhi para habulin siya ng mga naturang parak.
Ilang sandali, biglang umalingawngaw ang mga putok ng baril hanggang sa makita na lang ang biktima na duguang humandusay sa lapag.
Agad na isinugod ang biktima ng mga pulis sa Quezon City General Hospital pero idineklara din itong patay dahil sa tama ng bala sa katawan.