MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng dalawang dalagita na magpinsan nang matagpuan ang mga bangkay ng mga ito na tadtad ng saksak sa loob ng tinitirhang bahay, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Nakilala ang mga biktima na sina Diana Rose Liza Ulam, 15 at Joana Liza Coronado, 10, kapwa naninirahan sa Padas Alley, Langaray, sa naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ang mga bangkay ng biktima ng kuya ni Coronado.
Dadalhan umano nito ng pagkain ang dalawang dalagita ngunit nang paulit-ulit na kumatok at hindi siya pinagbubuksan, napilitan na itong sumilip at nakita ang mga bakas ng dugo sa loob ng bahay.
Humingi ng tulong ang kuya ni Coronado sa mga barangay tanod at nang buksan ang kuwarto ay tumambad ang duguang bangkay ni Ulam habang sa loob naman ng banyo nakita ang katawan ng biktimang si Coronado.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may nakita namang bakas ng dugo sa katabing bahay ng mga Coronado. Nagmamadali umanong umalis ng bahay ang mga nakatira dito na hindi muna pinangalanan ng pulisya.
Nabatid rin na ginamitan ng “bolt cutter” ang kandado ng bahay kaya napasok ng mga salarin.
Nabatid na nakikitira sa bahay ng mga Coronado si Ulam makaraang umuwi sa pro binsya ang nanay nito dahil sa may namatay na kaanak.
Inaalam pa naman ng pulisya ang motibo ng mga kriminal at kung ginahasa ang mga biktima.