WPD cop, 2 ulit nanghulidap, bago sinibak

MANILA, Philippines - Ipinasibak  na ni NCRPO director  Chief Supt.  Leo­nardo Espina  ang isang pulis-Maynila na nauna ng binansagang “pulis bayawak”  matapos muling arestuhin dahil sa panghuhulidap na naman sa isang lalaki na bumibili lamang ng pirated CD at DVD’s sa Quiapo, Maynila, noong Miyerkules.

Nabatid na inaresto kamakalawa ng hapon ng mga  miyembro ng Manila Police District-General Assignment Section si PO3 Jessie Villanueva, nakatalaga sa MPD-Station 8  matapos ireklamo ng isang Nilo Flores, 38, ma­­ngingisda sa Balanga Bataan, na dumayo sa Maynila upang mamili ng mga damit ng kaniyang anak sa Divisoria.

Si Villanueva na nakasuot pa ng uniporme ay binitbit ng mga kabaro dakong alas-3:15  ng hapon nitong Huwe­bes sa T. Mapua St., Sta Cruz, Maynila, habang nagpapa-repair ng motorsiklo sa isinagawang follow-up operation.

Sa imbestigasyon, lumabas na si PO3 Villanueva ay nasangkot din sa hulidap sa mag-asawang tinangayan niya ng perang pinagbentahan ng dalawang bayawak noong Setyembre ng taong kasalukuyan. Sinita niya ang dalawa dahil sa iligal umano ang pagbebenta ng bayawak na endangered species na umano at sinamahan niya pang magtungo sa Aranque market upang ipagbili at ki­nuha lahat ng pinagbentahan dahilan upang isuplong siya sa MPD-GAS.

 Sa kasalukuyang reklamo, sinabi ng biktimang si Flores, naisipan niyang dumaan sa Quiapo upang magsimba muna bago magtungo sa Divisoria subalit habang siya ay naglalakad matapos bumili ng pirated DVD at CD ay sinita at tinakot ng dalawang unipormadong pulis na sakay ng motorsiklo, kung saan isa dito ang suspect na si Villanueva.

Labag umano ang pagbili ng pirated DVD at  kinuha ang kaniyang bag na naglalaman ng cellphone, wallet na may lamang P5,000 at relos.

Inihahanda ang mga kasong kriminal at administratibo laban kay Villanueva.

 

Show comments