MANILA, Philippines - Patay ang isang empleyado ng banko matapos itong bigtihin ng isang scarf ng hindi pa kilalang suspek kahapon ng umaga sa Valenzuela City.
Nakilala ang biktima na si Cris Dumo, 22, taga-El Grande Homes, Brgy. Gen. T. De Leon ng nabanggit na lungsod, computer encoder ng Bank of the Philippine Island (BPI) sa Makati City.
Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, na dakong alas-7:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa gilid ng Our Lady of Lourdes College sa Quintin Demitillo St., Brgy. Gen. de Leon ng nabanggit na lungsod.
Nabatid, na naiwan pa sa leeg ng biktima ang scarf na ginamit ng suspek sa pagbigti at pagpatay dito.
Ayon sa pahayag ni Nonilong Magalong, Jr., 37, kapitbahay ng biktima, bago natagpuan ang bangkay ng biktima, dakong alas-11:00 kamakalawa ng gabi, dumating ito.
Makalipas ang ilang sandali ay sinabihan ni Magalong ang biktima na magsasara na at kung gusto pang uminom ay sa loob na lang ng bahay nito ituloy. Pumayag naman umano si Dumo.
Ilang saglit lang uminom sa loob ng bahay ni Magalong ay nagpaalam na ang biktima at sinabing may susunduin lang na kaibigan.
Makalipas ang ilang saglit ay bumalik ang biktima kasama ang kaibigang bakla at muling uminom habang natulog na si Magalong.
Nagulat na lamang si Magalong nang kinaumagahan ay nabalitaan niyang natagpuang patay ang biktima. Inaalam na ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng bakla na huling kasama ni Dumo.