MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na nagkataon lamang ang insidente ng pagkamatay ng mga suspect na nang-agaw ng baril ng mga pulis sa Manila Police District (MPD).
“Coincidence lang ‘yun. Walang pattern diyan, I assure the public,” ani Lim sa panayam ng isang radio station.
Ayon kay Lim, dapat na munang alamin ni Commission on Human Rights chairman Etta Rosales ang resulta ng imbestigasyon ng pulis bago ikondena o batikusin ang kapulisan.
“Bago tayo mag-condemn sa isang pangyayari, eh mag-imbestiga muna tayo. Kung may lalabas na testigo kontra sa pulis, eh ako mismo papakasuhan ko sila,” anang alkalde.
Nabatid kay Lim na siya mismo ang nag-utos na magsagawa ng imbestigasyon at kung sakaling nagpabaya ang police escort siya pa mismo ang magsasampa ng kasong administratibo laban sa mga ito.
Naniniwala si Lim na nais lamang ng mga pulis na protektahan ang kanilang mga sarili mula sa mga suspect.
Ang pahayag ni Lim ay bunsod na rin ng pagkuwestiyon ng CHR sa panibagong insidente ng pang-aagaw ng baril ng suspect na si Nestor Delizalde, Jr. mula sa kanyang mga police escorts.
Si Delizalde ay suspect sa pagpatay sa Banco de Oro executive na si Evelyn Tan, inang si Teresa at kasambahay na si Cristina Bartolay sa bahay nito sa Sta. Cruz, Manila noong Nobyembre 11.
Matatandaang nagbitiw ng pahayag si Rosales na “Ang dalas-dalas na niyan sa Maynila kaya naghihinala na ako na sobrang napakahina, kasi kung totoo ‘yan na nang-aagaw ng baril itong mga suspects eh nangangahulugan lang na napaka-incompetent ng ating mga kapulisan.”
Sinabi ni Rosales na nagtataka siya kung bakit nagiging madalas ang ganitong insidente sa lungsod ng Maynila.