Murder vs 3 suspect kay Rodelas, isinampa na

MANILA, Philippines - Inirekomenda na ng Quezon City prosecutors office ang kasong murder laban sa tatlong naarestong suspect na sangkot sa pagpatay sa mo­delong si Julie Ann Rodelas.

Sa isang pahinang  amended resolution ay kinasuhan din si Jaymar Waradji, kung saan ang kaso ay itinuring na para sa karag­dagang imbestigasyon.

Inirekomenda ni Assistant City Prosecutor Alessandro Jurado ang kasong murder laban kina Waradji,  Althea­ Altamirano at boyfriend na si Fernando Quiambao Jr. para sa pagpatay kay Rodelas.

Ang tatlo ay isina­ilalim sa  inquest proceedings noong Lunes ng hapon na sa pa­nahong iyon ang inisyal na disposisyon para sa kaso ni Waradji ay sakop sa regular preliminary investigation habang ang magkasintahan ay sinampahan sa korte.

Pero ang  amended resolution na inisyu kahapon ng hapon ay isinama si Waradji sa mga sasampahan ng kaso sa korte.

Inirekomenda ni Jurado ang no bail para sa mga suspect­.

Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may hawak ng kaso, ang kaso ay hindi pa naira-raffle sa trial court.

Samantala, kinasuhan din ni Jurado si Gelan Pase­wilan ng  illegal possession of firearms na may piyansang ini­rekomenda na P80,000.

Si Pasewilan ay inaresto kasama si  Waradji sa Salaam Compound noong Linggo ng umaga dahil sa pagdadala ng loose firearms kahit na hindi siya kasama sa mga suspect sa pag-murder kay Rodelas.

 

Show comments