MANILA, Philippines - Mahigpit ngayong ipatutupad ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang ‘No inspection, No entry policy’ sa lahat ng istasyon at bumibiyaheng tren ng LRT.
Ayon kay LRTA officer-in-charge Emerson L. Benitez, layunin nila na hindi sila malusutan ng mga masasamang elemento na nagnanais na maghasik ng terorismo at kaguluhan sa alinmang LRT station.
Ginawa ni Benitez ang pahayag matapos kumalat sa social networking na facebook ang naka-upload na video na ginawang paninigaw at pagsermon ng isang babaeng estudyante sa isang lady guard sa LRT line 2, Santolan, Pasig Station.
Galit na galit si Paula Jamie Salvosa ng La Consolacion College sa lady guard na si Sharon Mae Casinas dahil hindi umano dumaan sa inspection ang bag ng estudyante.
Paliwanag ng lady guard, para rin naman sa kaligtasan ng lahat ng pasahero ang ginagawa nilang inspection upang hindi makompromiso ang kaligtasan at seguridad ng riding public.
Sa panig ni Salvosa, sinabi nito na ang pagpapakalat ng kinuhang video ng pagsisigaw niya sa lady guard ng LRT sa mga social networking site ay isang uri ng “cyber bullying”.
Hindi na umano dapat pang lumaki ang insidente at naniniwala siya na maaaring naresolba ang problema nang pribado. Ito’y sa kabila na naringgan siya sa video na nagsalita na i-post ito at pasikatin siya.
Dahil sa pambabatikos na tinanggap sa social media, isinugod umano ang kanyang tiyahin sa pagamutan dahil sa pagtaas ng presyon ng dugo habang matinding pag-aalala na rin ngayon ang nadarama ng kanyang mga magulang.
Sinabi ni Salvosa na hindi naman sana lalaki ang insidente kung agad na humingi ng dispensa ang guwardiya sa maayos na paraan.
“Sabi niya ‘Ma’am, anong problema mo?’ Ganoon ang tono niya. So sumagot ako hindi ko idi-deny ang tono ko. ‘You are my problema,’ ang sabi ko,” ayon kay Salvosa. “Nag-apologize siya sa akin, ganito siya nag-sorry: ‘Eh di sorry na lang po, sorry na lang po.’ Parang ang sa akin I don’t think I deserve that kind of apology,” dagdag nito.
Sa opisyal na pahayag naman ng LRT Authority, nanawagan si Atty. Hernando Cabrera sa publiko ng pang-unawa sa naganap na insidente. Ipinaliwanag nito na maaaring nakalimutan ni Salvosa na ilapag sa X-ray machine ang kanyang bag sa pagmamadali kaya ito nasita ng kanilang guwardiya.