MANILA, Philippines - Apat na pinaniniwalaang big time drug pusher kabilang ang dalawang Chinese ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng PNP- Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng pagkakasamsam sa P15-milyong halaga ng shabu sa isinagawang drug bust operation sa Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasakoteng dayuhang suspect na sina Sam Ming Hei, 22 at Ming Tony Molina, 28, kapwa naninirahan sa Pasig City at ang mga Pinoy na sina Byron Pornillosa, 32, at Arnold Laluces.
Ayon kay PNP-AIDSOTF Spokesperson Chief Inspector Roque Merdeguia, bandang alas-9:30 ng umaga ng magsagawa ng operasyon ang kanilang mga tauhan kasama ang PDEA sa Economia corner Industria St. sa Brgy. Bagumbayan ng lungsod Quezon.
Bago ito ay isinailalim sa halos isang linggong surveillance operation ang mga suspect matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagbebenta ng shabu.
Isang poseur buyer ng mga awtoridad ang nakipag-deal sa mga suspect na bibili ng illegal na droga kung saan nagkasundong magkikita sa nasabing lugar.
Ayon kay Merdeguia, inaresto ang mga suspect sa aktong iniaabot sa kanilang poseur buyer ang tatlong kilo ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P15 milyon.
Bukod sa droga nasamsam din sa mga suspect ang dalawang behikulong gamit ng mga ito sa kanilang operasyon, drivers license, limang cell phone, apat na wallet at mga dokumento.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000 laban sa mga nasakoteng suspect.