MANILA, Philippines - Patay sa live wire ang isang 54-anyos na obrero nang aksidenteng madikit umano ang hawak na metro o metal na panukat sa pader, habang nakatuntong sa scaffolding ng itinatayong gusali sa Intramuros, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa Seaman’s Hospital ang biktimang si Sergio Sampaya, bunga ng pagkakuryente.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:00 ng hapon ng maganap ang insidente sa ika-3 palapag ng itinatayong AMOSOP Sailor Home project sa Cabildo St., Intramuros, Maynila.
Nakatuntong umano ang biktima sa isang scaffolding sa 3rd floor, habang sinusukat ang pader nang madikit umano ang hawak na metro sa linya ng kuryente at nangisay ito at nahulog pa.
Nang imbestigahan, ilang mga paglabag sa safety measures umano ng sub-contractor na pag-aari ng isang Bobby Ganzan o ang mismong contractor na FAJ Construction and Development Corporation ang nakita na maaaring panagutan sa biktima kabilang ang hindi pagsusuot ng helmet at safety belt; kawalan ng safety net para maiwasan ang pagkakahulog ng kanilang trabahador; kawalan ng close supervision sa kanilang mga obrero habang nagtatrabaho, at pagpapabaya na may bukas na linya ng kuryente ng Meralco nito.